Hindi maitatangging kaming kabataan ay madalas itaboy sa usapan, kesyo bata pa raw kami, papunta pa lang kami pabalik na sila, at kung ano-ano pang patutsada ng mga nakatatanda para makapagpatahimik. Habang ang ibang matatanda ay nakikita kami bilang mga mamamayang walang pang sapat na kakayahan, ang iba nama’y piniling humubog ng mga kabataan upang makamit ang isang natatanging kapangyarihan.
Ayon sa datos ng COMELEC, nasa 1.33 milyon pa lang ang bilang ng mga bagong botante sa buwan ng Pebrero, talagang napakalayo pa sa tinatarget nilang apat na milyong botante. Bilang isang bagong botante, hindi ko alam kung madidismaya ba ako sa mga kabataang hindi pa rin magpaparehistro dahil bukod sa hindi pa nila alam, sumabay rin ang pandemya.
Kaugnay nito ang pagsulpot ng webinar na naglalayong manghikayat sa kabataang magparehistro, ito ang BLAZE2022 na pinangunahan nina Atty. Chel Diokno, Frankie Pangilinan, atbp. Magkaiba man ng edad ay iisa ang kanilang layunin. Sabi nga ni Frankie, “Every vote counts, ” kung kaya’t walang edad-edad pagdating sa botohan at hindi maikakaila na karamihan sa amin ay sapat na ang kamulatan.
Sa paparating na halalan, nasasaatin ang kapangyarihang daig lahat ng mahika sa mundo, ito ang kapangyarihang tulungan ang iyong kababayan at ang susunod na henerasyon. Walang hihigit sa kapangyarihang maghalal ng pinunong mapagkakatiwalaan, hindi iyong mangangako noong kampanya, may jetski pang nalalaman, tapos makalipas ang ilang taon sasabihin niya na biro lamang kahit alam niyang siya’y isang presidente’t hindi isang payaso na dapat ay maraming baong biro para sa sambayanan. Pagboto’y isang karapatan at kapangyarihan, kaya gising kabataan! Sa kapangyarihang ito’y mas malakas ka pa kay Superman.
Comments