top of page
Writer's pictureNCPO+ Pinas

Damang Malasakit sa Teknolohiya

Updated: May 31, 2021

Iginuhit ni Angel Christelle Napay

 

Umiikot sa teknolohiya ang buhay ng mga Pilipino lalo na ngayong pandemya. Nitong Abril lamang ay naging laman ng social media ang itinayong community pantry ni Ana Patricia Non na nagbigay inspirasyon sa buong bansa partikular na sa bayan ng Binangonan, Rizal. Naging mabilis ang pagkalat ng mga pekeng balita dahil sa teknolohiya, subalit ito pa pala ang magiging daan para maipadama ang higpit ng yakap ng mga Pilipino sa kanilang mga kababayang patuloy na binubugbog ng hirap sa kasalukuyan.

Umabot na sa 54 ang bilang ng mga community pantries na mayroon sa Binangonan. Ayon kay Bb. Isobel Suba, co-founder ng Sulong Binangonan at SYSNA Community Pantry, napakalaking bagay ng social media para makapagbigay-alam sa mga tao tungkol sa kanilang pantries. Bukod pa rito, naging tulay rin ang teknolohiya upang makalikom ang organisasyong Sulong Binangonan ng mga donasyon mula sa iba’t-ibang tao at samahan. Naabot nila ang Canva PH na nagbigay ng mga libreng karatula’t mga gulay mula sa mga magsasaka ng Benguet.

Gayunpaman, aminado si Isobel na dahil sa sobrang bilis ng pagkalat ng balita dahil sa teknolohiya, umabot sa puntong dinumog sila ng mga residente sa isang baranggay. Ito ang kinakatakot nilang mangyari dahil na rin sa banta ng COVID-19. Depensa naman niya’y hindi na ito naulit pagkat nasunod na ang mga health protocols sa mga sumunod na araw. Kwento rin ni Hon. John Carlo Borja, co-founder ng Sulong Binangonan at SK Chairperson ng Brgy. Calumpang, may isang miyembro ng Sulong Binangonan, nagngangalang Hyacinth, na hindi lumalabas noong magsimula ang quarantine ngunit hindi nag-atubiling sumali sa kanilang organisasyon noong makita niya ito sa Facebook. Si Hyacinth na dati’y takot at todo ang pag-iingat ngayong pandemya ay muling tumungtong sa labas, pinatapang ng kaniyang determinasyong makatulong sa kanyang bayan.

Kailangan pa ng bayan ng mga organisasyon gaya ng Sulong Binangonan pagkat maraming gustong tumulong subalit hindi alam kung paano at saan. Dala ng pandemya ang mga limitasyong pumipigil sa mga nakasanayang gawin ng tao ngunit hindi hadlang ang restriksyong dala ng new normal upang makatulong sa bayan. Pagbabayaniha’y hindi mabubuwag anumang unos ang dumaan pagkat paggamit din ng teknolohiya’y hindi na maiaalis sa sambayanan.


8 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page