Kahit saan tayo tumingin, talagang hindi nagpapahuli ang presensya naming mga kabataan. Madalas tinatawag na pag-asa ng bayan, aktibo rin sa mga talakan sa loob ng lipunan. Lumabas sa pag-aaral na isa ang mga kabataang Pilipino sa mga pinakamabilis mabiktima ng pekeng balita. Talagang sumabay pa sa pandemya kung saan kailangan ng mas kritikal na kaisipan, lubhang kaawa-awa ang sasapitin ng bayan sa kasalukuyan pagkat lunod na nga sa problema, lunod pa sa maling akala.
Ngayon, nasa punto ako ng aking buhay na ikinakahiya kong maging parte ng kabataan, paano ba naman, isinaad ng Programme for International Student Assessment na isa ang Pilipinas sa may pinakamababang puntos na, mas mababa pa sa -0.65 pagdating sa pagkilatis ng mga pekeng impormasyon. Lubhang nakababahalang ganito pa rin ang pag-iisip ng iba sa mga kabataan.
Matatandaang hindi na magkamayaw ang Rappler sa pagbibigay-alam sa mga tao patungkol sa mga pekeng balitang nagkalat. Isa na rito ang maling pag-aakala ng Makati Medical Center, isa ring malaking ospital, na nakapagpapahina diumano ng immune system ang mga bakuna para sa COVID-19. Nakakadismaya lang na kung sino pang dapat na mangumbinsi sa mga taong magpabakuna, sila pa ang todo-todo ang kapalpakan. Kaya naman napakarami pa ring patuloy na nagdadalawang-isip na magpabakuna, sinasabing kesyo ang laman daw ng bakuna ay ang mismong virus at kung ano-ano pang nakakatawang rason.
Naniniwala akong hindi pa huli ang lahat para tayo’y may mapatunayan. Pilitin nating makaalpas sa limitasyon na mayroon ang ating kaalaman upang magamit sa pagkumbinsi ng taong bayan kung gaano kahalaga ang mabakunahan. Kung walang magbabago, patuloy na lalamunin ng kamangmangan ang bayang ating sinilangan.
Comments