Likas na nakaaapekto sa paniniwala ng mga Pilipino ang nababasa nila kung saan-saan, kahit sino at anong klase man ng tao ang sumulat. Lumabas sa pag-aaral ng Programme for International Assessment na isa ang Pilipinas sa may pinakamababang puntos pagdating sa pag-intindi ng kahihinatnan ng pagbabahagi ng impormasyon sa publikong hindi ginagamitan ng kritikal na pag-iisip. Tila mas kritikal pa sa pag-iisip ng taong bayan ang kalagayan ng bansa sa kasalukuyan, sa panahong talo ng maraming alam na katotohanan ang taong mayaman.
Ayon sa pahayag ni Mr. Jamaico Ignacio, pangulo ng High School Philippine History Movement, talagang babad na ang lahat sa social media. “Bagamat maraming tama doon, ay marami pa ring mga baluktot na balita,” dagdag pa niya. Lubos itong ikinababahala ng kanilang organisasyon pagkat dito nagkakaugnay ang pamamahayag at ang kasaysayan. Ayon naman kay Mr. Emmanuel Caliwan, VP for professional affairs ng parehong organisasyon, dapat raw na malaman ng mga manunulat na ang bawat naratibong isinusulat nila’y isang parte ng kontemporaryong kasaysayan na nakaaapekto sa pagdedesisyon ng taong bayan.
Mas malala ito ngayong pandemya kung saan kaunting makabasa ang mga tao ng masama tungkol sa bakuna’y magbubuo agad ng mali-maling konklusyon. Base sa obserbasyon ni Mr. Caliwan bilang sosyolohista, ang bansa’y nasa gitna ng isang tinatawag na “information warfare.” Kaya’t kailangan ng bansa ng mga manunulat na pinatibay ng pundasyon ng pag-aaral ng kasaysayan at nagtataglay ng sapat na kamulatan.
Mga balitang nakabase sa ebidensya ang dapat lamang na sumirkula sa bansa gayong malaki ang epekto ng impormasyon sa pagdedesisyon ng taong bayan. Paghahasa sa mga manunulat na magkaroon ng kritikal na isipan ang pinaka-epektibong paraan tungo sa isang lipunang handa sa digmaan—isang digmaan kung saan impormasyong may bahid lang ng katotohanan ang makokonsiderang pinakamatalim na sandatang kanilang pinanghahawakan.
Comments