Alinsunod sa DepEd kurikulum, matiyagang itinatalakay ni Mrs. Gian Pascual, isang guro ng Araling Panlipunan, ang kasaysayan ng Asya sa mga mag-aaral mula sa ika-walong baitang ng Rizal National Science High School.
KUHA MULA SA | DepEd Tayo Rizal National Science HS - Calabarzon | Facebook | KAPSYON NI | Alyssa De Villa |
Naitala na mariing sinang-ayunan ng ilang mga guro mula Senior at Junior High School ang muling pagtuturo sa kasaysayan ng Pilipinas sa kabila ng pagtanggal sa asignaturang ito sa sekondarya na kalakip ng Department of Education Order 20 s. 2014.
Batay sa datos ng sarbey na isinagawa ng organisasyong High School Philippine History Movement, 90.8% mula 1366 na titser sa JHS ang nagtala ng matinding pagsang-ayon habang 73.7% mula sa 1366 naman ang nagmarka sa SHS na nagresulta sa kabuuang 82%.
“I can clearly remember na na-frustrate, nabwisit, nalungkot, nagalit ang mga araling panlipunan teachers na ilang dekada na nagtuturo ng Philippine History sa highschool kasi nakikita nila ‘yung purpose, ‘yung katuturan ng pagtuturo ng kasaysayan,” ani Ginoong Jamaico Ignacio, pangulo ng nasabing organisasyon.
Idinagdag pa niya na walang magagawa ang mga gurong tulad niya kundi ay sumunod na lamang sa DepEd kahit na sila ay tutol sa pagkaalis ng asignatura.
Isiniwalat din ni Ignacio na patuloy nilang nakikita ang Deped Order 20 s. 2014 bilang isang malaking pagkakamali ngunit ang opinyon na ito ay hindi upang mamersonal , kundi ay maitaguyod ang layunin na gawing prayoridad ang kapakanan ng mga Pilipino.
“Mahalagang may Philippine History sa elementary pero kailangan mo palalimin kasi kung ititigil, makakalimutan ‘yon,” aniya.
Isinaad pa ni Ignacio na mas kanais-nais ang pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas sa hayskul, sapagkat doon nagsisimula ang kamulatan at kamalayan ng isang tao.
Ipinaliwanag din niya na hindi lang makatutulong ang pag-aaral ng kasaysayan sa pagpapalalim ng pagiging makabayan at nationalismo ng isang tao sapagkat may kakayahan din itong baguhin ang ating mundo.
Kaugnay dito, matapos ang pagpapatupad DepEd Order 20 s. 2014 ay nadismaya si dating pangulong Benigno Aquino III sa kawalan ng kaalaman ng mga mag-aaral tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas.
“Ang komento pa raw ng ilang netizens, baka pagod lang daw noong mga panahong iyon si Mabini. Talagang napailing po tayo noong ikinuwento sa amin ito," sinabi ni Aquino noong 2016, bilang talumpati sa 28th Apolinario Mabini Awards.
Sa kabilang banda, inihayag ni DepEd Sec. Leonor Briones noong 2017 ang kaniyang taos-pusong suporta sa kasalukuyang kurikulum.
“While Philippine History, as a subject, is no longer part of the junior high school curriculum, discussions of events in Philippine History... are naturally integrated in several subjects,” ani Briones.
Comments