top of page
Writer's pictureJan Rennie Abat

PAGBANGON: Bayanihan sa Sulong Binangonan

Updated: May 31, 2021


MATAPOS ANG SAKUNA: Abot langit ang ngiti ng mga batang nananatili sa Calumpang Elementary School, isa sa mga nagsilbing evacuation center ng Binangonan, Rizal, nang bisitahin sila ng Sulong Kabataan Youth Organization upang mapamahagian ng relief packs sa ilalim ng Sulong Binangonan Donation Drive matapos ang hagupit ng bagyong Ulysses.

KUHA NI | Enzo Salvosa | Facebook |

 

Daanan man ng bagyo at pahinain ng pandemya, hawak-kamay na pagbangon ang makikita sa Sulong Binangonan— sa diwa ng bayanihan, nagsisilbing tulay.

Dama ng mga taga-Binangonan ang hagupit ng Bagyong Ulysses mula sa pagpasok ng tubig sa kanilang mga tahanan hanggang sa mga pamilyang dinala sa evacuation center. Kaya naman, naisip ni SK Chairperson ng Barangay Calumpang at Co-founder ng Sulong Binangonan na si John Carlo Borja na imbis magboluntaryo upang tumulong sa ibang lugar, bakit hindi dalhin ang tulong sa sariling munisipalidad. Dahil dito’y kinausap niya ang mga kasama na maglabas ng municipal-wide donation drive.

Matapos ang pag-aayos at pag-oorganisa, binuksan na nila ito para sa mga gustong magboluntaryo.

Everything was online. We maximized; we utilized the platform on social media para ipaalam sa mga tao na mayroong Sulong Binangonan Donation Drive,” ani Kuya Borj.

Dumaan ang isang gabi’t naabot nito ang puso ng 114 boluntaryong ibig tumulong gawa ng pagmamahal sa kapwa— dito na nga isinilang ang Sulong Binangonan.

DALAWANG LINGGONG PAG-IBIG

Sa loob ng dalawang linggo, kumilos ang SB at pati mga taga-isla'y naabot ng tulong. Ika nga ni Kuya Borj na nakabubusog ng puso sa tuwing maaalala ang 1,112 pamilyang natulungan sa 21 barangay.

Tagumpay kung hihirangin ang 2.3 milyong pisong donasyon, pero higit dito’y ang abot-taingang ngiti ng kanilang mga natulungan. Sa 1,148 pinamigay na pagkain, medisina, at iba pa’y puno ito ng pasasalamat at pag-ibig na siyang puso ng pagtutulungan. Gayunpaman, natapos man ang dalawang linggo’y hindi rito nagtatapos ang pagsulong ng Binangonan.

PAGSULONG NG KOMUNIDAD BAYANIHAN

Komunidad Bayanihan ang inilunsad na inisyatibo ng mga kabataang boluntir upang mag-organisa ng mga community pantries, bumuo ng database kung saan maaaring magdonate, at higit sa lahat— buhayin ang diwa ng bayanihan. Sa kasalukuyan, mayroon nang inoorganisang 21 community pantries.

Maliban sa pagkakaisa upang tulungan ang sariling munisipalidad, layunin ng Sulong Binangonan ang pagbibigay platapormang mailalabas ang potensyal ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagtulong.

Payo nga ni Kuya Borj, "My message to young people who want to help, we start small... remember that no amount of help is ever too small to not create a ripple effect that positive change, "

Sa ligaya at pag-ibig na nasa puso ng bayanihan, inspirasyon sa pagbangon ang Sulong Binangonan.


16 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page