Nasa kalagitnaan man ng pandemya, kaliwa’t-kanang panghihikayat ang makikita sa pagrehistro’t boto. Narito’t hatid namin ang isang gabay at ilang leksyon para sa mga nais maging rehistrado sa paparating na eleksyon pero hindi alam kung papaano.
Bago mag-umpisa, kailangan mong malaman kung sino nga ba ang maaaring magparehistro. Basta’t ika’y mamamayang Pilipinong nasa legal na edad na o kaya naman ay 18 taong gulang na bago ang araw ng eleksyon, residente ng Pilipinas sa loob ng mahigit isang taon at mahigit anim na buwan naman sa lugar naman ng pagbobotohan... pasok ka.
Kung ika’y desidido nang magsimula, ihanda’t sagutan ang Comelec forms. Maaaring makuha ang CEF-1 at Coronavirus Self Declaration Form sa COMELEC website o sa mismong Office of the Election Officer (OEO). Mayroon namang Supplementary Data Form para sa mga katutubo, buntis, at taong may kapansanan. Paalalang ang mga pirma’t thumbprints ay gagawin sa Comelec office.
Kapag tapos na sa Comelec forms, siguraduhing may photocopy ng valid ID. Maghanda lamang ng isa sa mga sumusunod: Identification card (ID) ng empleyado na may pirma ng employer, discount ID ng mga PWD, ID ng mga mag-aaral o library card, Senior Citizen's ID, pasaporte, Certificate of Confirmation mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at iba pang mga tinatanggap na ID.
Sa oras na ito’y makumpleto, ihanda ang sarili dahil panahon na upang magmartsa sa Comelec Office. Huwag kalilimutan dalhin ang mga dokumento, panulat, alcohol, face mask at face shield.
Hanggang Setyembre 30 ang pagpaparehistro at asahang bukas ang opisina mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Magkakaroon ng contact tracing at pagkatapos nito, magsisimula na ang pagsusuri ng electoral officer sa’yong application bago ka papirmahin.
Sunod ang biometric capturing kung saan kukunin ang litrato, digital signature at fingerprints. Panghuli’y tatangalin ng comelec personnel ang iyong acknowledgment receipt upang lagyan ng petsa’t selyohan.
Matapos ang mahabang araw, ika’y aking binabati dahil rehistrado ka na.
Comments