| Iginuhit ni Angel Christelle Napay |
Masasabing kasaysayan ang nagiging pundasyon ng perspektibo at kamalayan ng isang lipunan. Pitong taon na ang nakalipas simula noong magkaroon ng pagbabago sa kurikulum ng bawat paaralan dulot ng DepEd Order 20 s. 2014 na naglalayong magbigay ng mataas na kalidad ng edukasyon sa bawat Pilipino. Sa kabila nito, tila tumigil nang mauhaw sa katotohanan ang mga kabataan-- agarang nalilinlang ng sariling kamangmangan dahil sa kurikulum na sa kanila ay ipinagduduldulan.
Mapapansing kalakip ng bagong kurikulum ang pagtanggal ng asignaturang kasaysayan ng Pilipinas sa junior high school. Sa halip na kasaysayan ng Pilipinas ay pinalitan ito ng kasaysayan ng Asya. Ayon sa sarbey na isinagawa ng organisasyong High School Philippine History Movement, 90.8 porsyento sa 1,366 na mga guro sa buong bansa ang lubos na sumasang-ayon na nararapat lamang na dedikadong ituro ang Kasaysayan ng Pilipinas sa junior high school.
Gayunpaman, taong 2017 ay inihayag ni DepEd Sec. Leonor Briones ang suporta niya sa kasalukuyang kurikulum. Isinaad niyang kung may natanggal man ay mapapahapyawan pa rin ito sa mga ipinalit na asignatura, “naturally integrated” pa rin ang kasaysayan ng Pilipinas sa kurikulum kung kaya’t wala itong maiiwang mga paksa.
Taliwas ito sa adhikaing pilit na isunusulong ng HS Philippine History Movement na, “integration (pahapyaw) is not enough.” Patuloy nilang nakikita ang Deped Order 20 s. 2014 bilang isang malaking pagkakamali hindi para mamersonal kundi maisulong ang tanging obhektibong gawing prayoridad ang kapakanan ng mga Pilipino. Ayon nga kay Ginoong Jamaico Ignacio, ang pangulo ng organisasyon, sila’y “Pro-Philippines’’.
Sa lahat ng ito, hindi maikakaila ang importansya ng pag-aaral ng kasaysayan upang mahasa ang kritikal na pag-iisip ng mga Pilipino. Hindi sapat ang pahapyaw na turo ng kasaysayang dapat isinasabuhay mula sa pagbabasa ng balita hanggang sa pagbabahagi ng impormasyon. Kumplikadong gawain ang pagpapabago sa kasalukuyang sistema ng edukasyon kung kaya’t ang mismong kakalabanin ng mga kabataan ay ang kanilang mga sarili. Panghihikayat sa mga estudyante kung gaano kahalaga ang kasaysayan ay dapat simulan ng sinumang may sapat na kamulatan.
Kung patuloy na darami ang mga kabataang hindi man lang alam ang kaarawan ng pambansang bayani, hinding-hindi makakamit ng bansa ang pag-unlad na minimithi sa pamamagitan lamang ng mga kabataang kulang sa substansya at pundasyon dulot ng kurikulum sa kasalukuyang panahon.
Commentaires