Pakatatandaan ninyong lahat na ang pagkatuto ng anumang uri ng martial arts ay ginawa upang depensahan ang iyong sarili sa panahon ng kagipitan, at hindi pambasag-ulo. Tila ata maraming tao, lalo na sa mga lalaki, ang nagkakaroon ng malaking hindi pagkakaunawaan ukol sa esensya nito sa kasalukuyan.
Nakikita halos ng mga tao na kapag maalam ka sa self-defense, maangas ka, malakas at kinatatakutan pa. Nagkakamali kayo mga lods, dahil ang tunay na kahulugan ng paggamit nun ay para sa kabutihan at kapanatagan ng inyong loob.
Natulungan nito ang mga tao na i-angat ang kanilang kumpiyansa sa mga taong naaapi. Base sa artikulo ni Javill Byron, isang senior martial arts instructor, nakakadagdag din ito sa pagiging wais nila sa pagpili ng kanilang mga desisyon sa buhay, lalo’t kung alanganin ka.
“Mahalaga ito para maramdaman ng bata na ligtas siya tuwing naglalakad siya sa lansangan ng gitna ng gabi,” ika naman ni Kobe Balod, estudyante na nagmula sa Cainta, Rizal.
Kaakibat din nito ang malaking responsibildad na nakaatang sa inyong balikat at binuo siya para tulungan ang dapat tulungan. Sa katunayan nga, hinahasa ang lahat ng mga sundalo sa kani-kanilang kampo sa iba’t-ibang uri nito. Banggit pa ni Jaime Villegas na isang 3rd dan Shotokan karateka, kailangang maging responsable rin dahil may kakayahan ka na makapanakit ng tao.
Panawagan sa lahat ng mga nagtuturo ng martial arts na hubugin at kilatisin muna ang mga indibidwal sa ugali nito, bago turuan. Mahirap naman kung sakit lang ng katawan ang hanap niyan, at mas maganda na paalisin na lang siya doon.
Delikado man ang pagsasagawa ng self-defense, kung maayos naman itong dadalhin, walang magiging aberya rito. Kaya sa iba, lalo na sa mga lalaking magyayabang diyan, mas mabuting maging maginoo ka, kaysa maging isa ka namang barumbado.
Comments