Pahirapan ngayon para sa mga mag-aaral na pumasok sa Online Distance Learning (ODL) dahil maraming pagsubok na kinakaharap nila na dapat mabigyang solusyon ng mga kawani ng gobyerno at iba pang ahensya.
Isa na rito ang internet connection sa Pilipinas na napakabagal, at malayo ang agwat sa iba pang speed connections sa mundo. Base sa Speedtest Global Index, nasa 18.49 Mbps (megabits per second) ang average na mobile internet speed sa bansa, na may malaking diperensya kumpara sa global average, 45.96 Mbps.
“May pagkakataong hindi kinakaya ng equipment ang bilis ng internet namin dahil parang may bottleneck, minsan din nagkakaroon ng maintenance ang aming internet provider na nagreresulta ng matagalang kawalan ng koneksyon,” ika pa ni Jovic Gutierrez, estudyante mula sa Baitang 11.
Nakararanas din ng problema ang mga mag-aaral sa kanilang estadong mental sa sitwasyong ito. Banggit ni John Daniel Mariscotes mula sa ika-8 baitang, may pagkakataong nananakit ang kanyang ulo dahil sa gadgets at hindi rin ito sanay sa ganitong set-up. Isa rin siya sa nagboses na mga estudyante mula sa Rizal National Science High School na 75.3% ang nagsasabi na alanganin ang kanilang mental health, base sa kanilang datos.
Totoo ngang ito na lang ang set-up na pwede sa ngayon, subalit dapat matulungan ng mga guro kung anumang mga problemang kinakaharap ng mga estudyante ngayon, bilang ikalawang magulang natin.
Dapat ay mabigyan ng pagkakataon ang bawat bata na maging komportable sa panahon ng ODL nang walang naiiwan ngayon. Mas maganda kung nagkakaroon pa ng pananaliksik ang gobyerno kung paano nila maisasaayos ito.
댓글